
CAUAYAN CITY – Patay na ng makita ang isang welder sa loob ng kanyang bunkhouse sa General Aguinaldo, Ramon, Isabela.
Ang nasawi ay si Ronnie Ferrer, 26-anyos, welder at residente ng Tulat, San Jose City, Nueva Ecija.
Una rito ay nakatanggap ng tawag ang Ramon Police Station kaugnay sa pagkasawi ng lalaki.
Ayon sa mga katrabaho nito, natulog ito sa kanyang bunkhouse dakong alas nuebe ng gabi noong May 21.
Kinabukasan nang puntahan siya ni Melchor Danao, 46-anyos, foreman at residente ng Dubinan West, Santiago City para sana gisingin ay hindi na umano ito humihinga.
Agad na tumawag ng mga awtoridad ang mga kasamahan ni Ferrer at lumabas sa pagsisiyasat ng SOCO na natural cause ang kanyang ikinamatay dahil walang nakitang palatandaan na siya ay pinahirapan.










