
CAUAYAN CITY – Hustisya ang hangad ng pamilya ng isang binatang welder na nasawi matapos saksakin ng kaibigan sa naganap nilang inuman sa CM Padilla sa Tagaran, Cauayan City.
Ang biktima ay si Raymart Dela Torre, 22 anyos, welder at residente ng Tagaran, Cauayan City.
Ang suspek ay si Jessie Boy Donato, 27 anyos, maglalako, binata at residente rin ng nabanggit na lugar.
Nagkaroon ng inuman ang dalawa kasama ang ilang kaibigan sa harapan ng isang tindahan nang mangyari ang pananaksak.
Napikon umano si Dela Torre sa expression ni Donato na ulupong kaya sinuntok niya ito.
Binunot ni Donato ang kanyang dalang patalim at sinaksak si Dela Torre na nagtamo ng dalawang saksak sa tagiliran na naging sanhi ng kanyang kamatayan.
Sinabi ni Donato na blangko siya sa mga pangyayari. Hindi niya tuwirang inamin na siya ang sumaksak sa kaibigan.

Sinabi naman ng kapatid ni Donato na si Julie na hindi siya makapaniwala na nagawa ni Jessie Boy na saksakin ang kaibigan.
Hindi palaaway ang kapatid at hindi nila alam kung bakit may dalang kutsilyo.
Humingi siya ng paumanhin sa pamilya ng biktima dahil batid niya na masakit mawalan ng kapamilya.
Hustisya naman ng hangad ng pamilya ni Dela Torre at determinado sila na magsampa ng kaso laban kay Donato.
Sinabi ni Ginoong Tom Dela Torre na masakit ang pagkasawi ng kanyang bunsong anak na tumutulong sa kanya sa kanyang pagwewelding.




