Inilabas ng Malacañang ang Memorandum Circular No. 114 na nag-uutos sa lahat ng ahensya ng pamahalaan na paigtingin ang pagtitipid sa paggamit ng kuryente at enerhiya sa kanilang mga tanggapan.
Sa ilalim ng direktiba, inaatasan ang mga ahensya ng national government, kabilang ang mga government-owned and controlled corporations (GOCCs), na magpatupad ng mga hakbang upang mabawasan ang konsumo sa kuryente at gasolina.
Kabilang sa mga hakbang ang pagtatakda ng temperatura ng aircon sa 24°C, pagpatay ng ilaw at iba pang electronic devices kapag hindi ginagamit, pagsasagawa ng virtual meetings, at paglilimita sa official travel kung maaari namang idaos online ang mga pulong.
Iniutos din ni Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapatupad ng flexible work arrangements, tulad ng compressed four-day onsite workweek o work-from-home setup.
Layunin ng pamahalaan na mabawasan ng 10% hanggang 20% ang paggamit ng kuryente at fuel sa mga tanggapan ng gobyerno.
Gayunman, nilinaw sa kautusan na hindi dapat maapektuhan o maantala ang paghahatid ng serbisyo sa publiko, lalo na sa mga ahensyang may kinalaman sa kalusugan, kaligtasan, at emergency response.











