Naniniwala si Julie Dondon Patidongan, whistleblower sa kaso ng mga nawawalang sabungero sa bansa, na nakaalis na ng Pilipinas ang negosyanteng si Atong Ang. Ayon sa kanya, posibleng nasa ibang bansa na ang negosyante habang patuloy ang imbestigasyon laban sa kanya.
Iginiit ni Patidongan na hindi basta susuko si Ang dahil sa kanyang koneksyon at impluwensya. Aniya, hindi ito ordinaryong tao at may international na network o grupo na sumusuporta sa kanya, kaya’t mahirap sundan at hulihin agad.
Sinabi rin ni Patidongan na posibleng noong Disyembre pa umalis ng bansa si Ang, ilang buwan bago tuluyang sumiklab ang mga kasong kinahaharap nito. Idinagdag niya na patuloy na pinag-aaralan ng mga awtoridad ang kanyang mga posibleng ruta at koneksyon sa ibang bansa upang mapabilis ang pagdakip sa kanya.
Matatandaang pinaghahanap ngayon ng mga awtoridad si Ang matapos maihain laban sa kanya ang warrant of arrest kaugnay ng mga kasong kidnapping with homicide. Kasalukuyan ding isinasagawa ang malawakang koordinasyon sa mga local at international law enforcement agencies upang matukoy ang kinaroroonan ng negosyante.
Samantala, nananawagan ang mga awtoridad sa publiko na makipagtulungan sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon kung saan maaaring matagpuan si Atong Ang upang mapabilis ang imbestigasyon at mapanagot siya sa mga kasong kinahaharap.









