CAUAYAN CITY- Inilunsad ng City Environment and Natural Resources Office ng Lungsod ng Cauayan ang “WOW Cauayan” o Welcome Waste project na naglalayong I-recycle ang mga used plastic straws.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Alejo Lamsen, Cauayan City Environment and Natural Resources Officer, sinabi niya na sa pamamagitan ng straw ay gumagawa sila ng iba’t ibang disenyo ng bags o bayong na kanila namang ibinebenta sa murang halaga.
Ang mga used straw na kanilang ginagamit ay mula sa bottling company na nagtatapon ng straw.
Sa halip aniya na itapon sa sanitary landfill ay kinukuha nila ang mga ito upang mapakinabangan pa at mabawasan ang basura.
Maliban sa straw ay gumagawa rin sila ng mga produkto na gawa sa papel at balat ng mga prutas.
Nakikipag-ugnayan naman ang CENRO sa Cauayan City Cooperative Project ng Cauayan na silang mag mamarket ng kanilang mga produkto.
Hinikayat naman ni Engr. Lamsen ang publiko na mag-recycle upang makatulong sa pangangalaga sa kalikasan.






