Pambihirang lakas ang ipinamalas ng Finnish finger wrestler na si Juha Andersson, 44, matapos niyang makamit ang Guinness World Record title para sa “heaviest deadlift with one finger” noong Bisperas ng Bagong Taon.
Nagawang buhatin ni Andersson ang bigat na 336.42 lbs gamit lamang ang kanyang middle finger. Tinalo niya ang dating record na 334 lbs na naitala lamang apat na buwan ang nakararaan ng isang taga-Aruba.
Hindi na bago sa ganitong larangan si Andersson dahil isa siyang beteranong kampeon sa finger pulling (o “sormikoukku” sa Finland), kung saan sinasanay niya ang sarili sa pamamagitan ng one-finger pull-ups at matinding pain tolerance habang nagbubuhat.
Sa kanyang performance sa isang gym sa Riihim?i, Finland, hindi naging madali ang unang attempt dahil nawalan siya ng balanse, ngunit sa ikalawang attempt, matagumpay niyang naiangat ang bakal at napanatili ito ng mahigit walong segundo bago ibaba.
Ayon kay Andersson, natupad na ang kanyang pangarap simula pagkabata na maging Guinness record holder, bagama’t inamin niyang kaya pa sana niyang buhatin nang mas matagal o dagdagan pa ang bigat dahil pakiramdam niya ay may ibubuga pa siya.





