CAUAYAN CITY – Inilarawan ng kanyang mga kaalyado sa pulitika at kaibigan ang pumanaw na si LPGMA Partylist Representative Rodolfo “Rudy” Albano Jr. na palabiro, mabait, matulungin at magaling na mambabatas.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni dating Board Member Ysmael Atienza na si Cong. Albano ay haligi ng pulitika at kaunlaran sa Isabela tulad ni yumaong Governor Faustino “Tino” Dy.
Sinabi naman ni Labor Secretary Silvestre Bello III na malaking kawalan sa Isabela at sa buong bansa si yumaong Cong. Rudy Albano dahil marami siyang nagampanan sa ilang dekadang pagiging kongresista.
Aniya, malaki ang respeto niya kay Congressman Albano kaya kailanman ay hindi niya nilabanan sa pagiging kongresista ng 1st district ng Isabela.
Nakaburol ngayon ang labi ng mambabatas sa Heritage Park Chapel sa Taguig City at magkakaroon ng bukas ng necrological service sa Kamara .
Nakatakdang iuwi sa Isabela ang labi ni Albano sa araw ng Sabado at pansamantalang ibuburol sa Panlalawigang Kapitolyo sa Lunsod ng Ilagan bago iuwi sa kanilang tahanan sa Cabagan, Isabela.
Si Atty. Albano ay unang naglingkod bilang mayor ng Cabagan, Isabela bago nahalal nang maraming beses bilang assemblyman at congressman ng unang distrito ng Isabela.
Siya ay naging House Majority Leader mula 1994 hanggang 1995 sa panahon ng panunungkulan ni dating House Speaker Jose de Venecia.
Nagsilbi rin si Albano bilang chairman ng Energy Regulatory Commission (ERC) mula 2004 hanggang 2008.






