--Ads--

Umaabot umano sa P51 bilyong halaga mula sa sinasabing ghost flood control projects sa Bulacan ang napunta kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ayon kay dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co.

Inilahad ni Co ang mga paratang sa ikatlong bahagi ng kanyang video na inilabas kahapon, kasabay ng anti-corruption rally ng Iglesia ni Cristo sa Rizal Park, Maynila.

Ayon kay Co may iba pa siyang ibubunyag, kabilang ang umano’y P56 bilyong kickbacks na idineliber daw nila kay Pangulong Marcos, kung saan sinasabing may bahagi rin si dating House Speaker Martin Romualdez.

Giit ni Co, ang P21 bilyong iniulat ng Independent Committee for Infrastructure (ICI) kaugnay ng korapsyon sa ghost flood control projects sa Bulacan na kinasangkutan ng nasibak na si Engineer Henry Alcantara ay mas mataas umano at umaabot sa P56 bilyon.

--Ads--

Pinanindigan niyang hindi siya tumanggap ng bahagi at nagsilbi lamang umano siyang tagapaghatid ng pera.

Sinabi pa ni Co na ilalabas niya sa mga susunod na araw ang karagdagang detalye at listahan ng mga proyekto na tinutukoy niya. Ipinahayag din niya ang pangamba para sa kanyang kaligtasan habang inaangkin na ilalantad niya ang buong katotohanan.

Matatandaang sa unang bahagi ng kanyang serye ng pahayag noong Biyernes, inangkin ni Co na si Pangulong Marcos ang nag-utos umano na magsingit ng P100 bilyon sa 2025 national budget, kung saan P25 bilyon dito ang sinasabing napunta sa Pangulo bilang kickback.