--Ads--

Idineklara nang “fugitive from justice” ng Sandiganbayan Sixth Division si dating Ako Bicol Representative Zaldy Co.

Sa isang 16-pahinang resolusyon na may petsang Pebrero 3, bahagyang tinanggap ng division ang agarang ex-parte motion ng prosecution na ideklara si Co bilang isang pugante.

Ibig sabihin nito, ayon sa korte, si Co ay hindi maaaring lumahok sa kasalukuyang mga paglilitis at humingi ng anumang legal na remedyo mula sa korte.

Matatandaan na naglabas ang warrant of arrest ang Sandiganbayan laban kay Co matapos siyang kasuhan ng graft at malversation kaugnay sa umano’y anomalya sa isang road dike project sa Naujan, Oriental Mindoro.

--Ads--

Nitong Pebrero 10, nagsumite ang National Bureau of Investigation (NBI) ng karagdagang dokumento na hinihingi ng Interpol tungkol kay Co, na nasasangkot sa anomalya sa flood control.

Ang red notice request sa pamamagitan ng Interpol ay layong alertuhin ang international law enforcement agencies na makatutulong sa paghahanap at pag-aresto sa dating kongresista.