--Ads--

Inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA) na tuluyan nang ipatutupad ang “zero balance billing” policy sa lahat ng ospital na nasa ilalim ng Department of Health (DOH).

Ibig sabihin, hindi na kailangang magbayad ang mga pasyente para sa mga serbisyo sa basic accommodation sa mga DOH hospital dahil sagot na ito ng gobyerno.

Ayon sa Malacañang, bahagi ito ng layunin ng administrasyon na gawing mas abot-kaya at accessible ang serbisyong medikal para sa lahat ng Pilipino, lalo na sa mga mahihirap.

Nilinaw rin ng DOH na kasama sa saklaw ng “zero balance billing” ang mga pasyenteng kwalipikado sa ilalim ng Universal Health Care Law, at ang pondo para rito ay manggagaling sa PhilHealth at sa General Appropriations Act.

--Ads--

Kasabay nito, inihayag ni Pangulong Marcos na nakikipag-ugnayan na siya sa Department of Justice (DOJ), Department of Budget and Management (DBM), at iba pang ahensya upang palakasin pa ang health care system ng bansa.

Kabilang sa mga hakbang ang pagdagdag ng pondo sa mga ospital, pag-ayos ng pasilidad, at pagtanggap ng mas maraming medical personnel.

Dagdag pa ng DOH, isasagawa ang mahigpit na monitoring sa pagpapatupad ng polisiya upang matiyak na walang pasyente ang mapagkakaitan ng libreng serbisyo at maiwasan ang mga hospital na maniningil pa rin ng dagdag na bayarin.

Target ng ahensya na mas mapalawak pa ang saklaw ng serbisyong ito sa mga susunod na buwan.