Tuloy-tuloy ang ginagawang pakikipag-ugnayan ng Provincial Public Safety Office (PPSO) sa lahat ng territorial units sa lalawigan ng Isabela bilang bahagi ng paghahanda ngayong nalalapit na summer vacation at Semana Santa.
Ayon kay Public Safety Officer Kim Agbayani ng Provincial Government ng Isabela, kabilang sa kanilang kinokontak ngayon ang mga hepe ng bawat police station at mga fire marshal ng mga fire station sa lalawigan. Ito ay sa pakikipag-ugnayan na rin sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) upang matiyak ang sapat na koordinasyon ng bawat lokal na pamahalaan katuwang ang probinsya.
Layunin nito na mas mapangalagaan ang publiko at maabot ang target na zero incident ngayong darating na bakasyon.
Isa sa pangunahing tututukan ng PPSO ay ang pag-iwas sa mga kaso ng pagkalunod. Giit ni Agbayani, noong nakaraang taon ay may naitalang insidente ng drowning, kaya’t mas pinaigting ngayon ang pagbabantay sa mga convergence areas at mga lugar na dinarayo ng mga turista.
Kabilang din sa mga hakbang ang pag-deploy ng mga tauhan sa bus stations at iba pang matataong lugar upang mabantayan ang pagdating ng mga biyahero at masiguro ang kanilang kaligtasan.











