CAUAYAN CITY – Duda ang Think Tank na IBON Foundation na mapapanindigan ng mga Overseas Filipino Worker ang hindi magpadala ng remittance sa kanilang pamilya dito sa Pilipinas.
Ito ay kaugnay sa pagkakasa ng zero-remittance week ang ilang mga OFW sa Europa bilang pagpapahayag ng suporta kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na kasalukuyang nasa kustodiya ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands dahil sa kaso nitong Crime Against Humanity.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Executive Director Sonny Africa ng IBON Foundation, sinabi niya na hindi mapipigilan ng mga OFWs ang pagpapadala ng remittance sa kanilang pamilya lalo na at maraming pamilya ang umaasa sa remittance ng OFW.
Ang hakbang na ito ng mga OFW ay magiging symbolic protest lamang ng mga sumusuporta kay Dating Pangulong Duterte dahil imposibleng matiis ng mga ito ang hindi magpadala.
Hindi umano ito dapat ikabahala lalo na at wala itong masyadong magiging epekto sa bansa dahil ito ay magtatagal lamang ng isang linggo at maaari itong mabawi sa mga susunod na araw.
Malaki rin anya ang dollar reserves ng pamahalaan kung kayat hindi anya ito magdudulot ng paghina ng piso kung sakaling isang linggong hindi magpapadala ang mga makikibahagi sa nasabing protesta.
Kung mayroon man anyang maaapektuhan, ito ay ang pamilya ng mga OFW at hindi ang pamahalaan.