Nakatakdang ilunsad sa Abril 8 ang pagbibigay ng tulong pinansyal sa mga tricycle driver sa Region 2 bilang bahagi ng nationwide assistance program ng pamahalaan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Lucia Alan ng DSWD Region 2, sinabi nito na unang makikinabang sa naturang programa ang mga tricycle driver sa mga lungsod ng Tuguegarao, Ilagan, Cauayan at Santiago, alinsunod sa direktiba ng kanilang central office.
Ayon kay Alan, kasalukuyan pang kinukumpleto ang listahan ng mga benepisyaryo, kabilang ang pagdaan nito sa masusing proseso upang maiwasan ang duplication at matiyak na malinis ang datos. Hinihintay pa umano ang kumpletong submission ng ilang local government units (LGUs) bago tuluyang ma-finalize ang listahan.
Bawat kwalipikadong tricycle driver ay makatatanggap ng ₱5,000 na ayuda. Nilinaw ng opisyal na ang tulong ay para lamang sa mismong driver, at hindi para sa operator kung hindi ito ang aktwal na namamasada.
Dagdag pa nito, kinakailangang magdala ang mga benepisyaryo ng kanilang tricycle, driver’s license, at iba pang kaukulang ID sa itinakdang schedule ng payout. Ang listahan ng mga tatanggap ay manggagaling sa mga LGU at kailangang sertipikado ng local chief executive.
Tinatayang nasa 21,000 tricycle drivers sa buong Region 2 ang inaasahang mabibigyan ng ayuda, bagama’t maaari pa itong magbago depende sa magiging pinal na datos mula sa mga LGU.
Samantala, binigyang-diin ng DSWD na kinakailangang may valid na prangkisa o rehistro ang mga tricycle driver upang maging kwalipikado sa programa. Ang mga hindi updated ang dokumento ay hinihikayat na mag-renew upang maisama sa listahan.
Ayon pa kay Alan, ang pondo para sa nasabing programa ay nagmula sa Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng ahensya.
Sa ngayon, nilinaw ng DSWD na ang naturang ayuda ay eksklusibo para sa mga tricycle driver sa mga piling lungsod, at wala pang direktiba mula sa central office kung kailan naman isasama ang iba pang sektor na apektado ng pagtaas ng presyo ng langis at bilihin.











