Nasamsam ng mga awtoridad ang tinatayang ₱6.6 bilyong halaga ng shabu mula sa isang clandestine laboratory sa isang warehouse sa Barangay Veinte Reales, Valenzuela City sa isang joint operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP).
Bagama’t walang naaresto sa raid, sinabi ng mga opisyal na ilang personalidad sa likod ng operasyon ay nakilala na at kasalukuyang hinahabol ng pulisya.
Natuklasan ng mga operatiba ang mga shabu, powdered substances, liquid methamphetamine, at iba’t ibang kemikal at kagamitan na ginagamit sa paggawa ng ilegal na droga.
Ayon sa ulat, nakumpiska ang higit 906 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng tinatayang ₱6.16 bilyon, at mahigit 64 litro ng liquid methamphetamine na may halagang higit ₱436 milyon.
Ayon sa PDEA, natuklasan ang laboratoryo matapos mahuli ang isang high-value target sa buy-bust operation. Ang suspek umano ay tumakbo patungo sa warehouse, na nagdulot ng hot pursuit at nagbunsod sa pagdiskubre ng clandestine facility.
Bagama’t natagpuan ang laboratoryo, wala namang suspek sa loob ng warehouse sa oras ng raid. Ayon kay PDEA Director General Usec. Isagani Nerez, madalas iniiwan ng drug syndicates ang kanilang laboratories kapag nararamdaman nilang papalapit na ang mga awtoridad. Naniniwala ang mga imbestigador na ang ilan sa mga narekober na droga ay itinago sa warehouse nang matagal at posibleng galing sa iba pang na-raid na laboratories.
Kinumpirma naman ni PBGen. Elmer Ragay na may karagdagang personalidad na nakilala sa kasalukuyang imbestigasyon. Nakumpiska rin ang mga controlled precursors, essential chemicals, at laboratory equipment na ginagamit sa paggawa ng ilegal na droga. Kasalukuyang iniimbestigahan ng PDEA ang pinagmulan ng mga materyales, na posibleng konektado sa isang international syndicate.
Natukoy na rin ng lokal na pamahalaan ng Valenzuela City ang may-ari ng warehouse. Ayon sa records, huling nagbayad ang may-ari ng real property tax noong 2024 at wala itong business permit sa 2025. Ngunit nagkaroon ng bagong lease contract noong Marso, kung saan idineklara ang operasyon bilang brewery storage facility.
Ani Mayor Wes Gatchalian, maaaring lumabag ang may-ari ng warehouse sa Ordinance 384 ng lungsod, na nag-uutos sa mga may-ari ng warehouse at lessors na isubmit ang impormasyon ng kanilang lessees sa barangay at ideklara ang mga inbound shipments. Idinagdag ng mayor na ayon sa may-ari, ang renta ay allegedly binabayaran sa cash.
Aminado ang city government na hindi nila regular na nasusuri ang humigit-kumulang 15,000 warehouses, factories, at commercial establishments sa Valenzuela.
Kasalukuyang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang pinagmulan ng kemikal, ruta ng transportasyon ng sindikato, at ang kanilang lokal na koneksyon.
Nakatalagang sirain ang nasamsam na droga alinsunod sa PDEA procedures habang nagpapatuloy ang manhunt at case build-up operations.











