--Ads--

Isinusulong sa Kamara ang panukalang magbigay ng ₱3,000 buwanang pensyon at insurance coverage para sa mahihirap, matatanda at may kapansanang magsasaka.

Inihain ni Leyte Rep. Martin Romualdez ang House Bill 7663 o “Comprehensive Farmers’ Pension and Social Protection Act” na naglalayong mabigyan ng tiyak na buwanang kita at proteksiyon ang mga kwalipikadong magsasaka na hindi saklaw ng SSS at GSIS.

Sa ilalim ng panukala, pangungunahan ng Department of Agriculture (DA), katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Philippine Crop Insurance Corporation, ang pagpapatupad ng programa. Bukod sa ₱3,000 buwanang pensyon, may nakalaang hanggang ₱50,000 para sa basic life insurance at hanggang ₱25,000 para sa aksidente o disability assistance bawat claim.

Isasama sa taunang badyet ng DA at DSWD ang pondo para sa programa. Papayagan din ang direktang pag-claim ng benepisyo sa pamamagitan ng mga akreditadong bangko, kooperatiba o remittance center.

--Ads--

Ayon sa panukala, ang “elderly farmer” ay 60 taong gulang pataas na walang natatanggap na pensyon mula sa Social Security System, Government Service Insurance System o pribadong retirement plan. Ang “disabled farmer” naman ay may sertipikadong kapansanan na hindi na makapagtrabaho sa bukid, habang ang “indigent farmer” ay kinilalang mahirap ng lokal na pamahalaan alinsunod sa Philippine Statistics Authority sa ilalim ng Community-Based Monitoring System Act.

May nakalaang parusang pagkakakulong ng isang buwan hanggang isang taon o multang ₱10,000 hanggang ₱100,000, o pareho, laban sa mapapatunayang manloloko sa programa. Kapag opisyal ng gobyerno ang lumabag, maaari rin siyang masuspinde at maharap sa karagdagang kaso.