Lumipat sa online learning ang mahigit 1.4 milyong estudyante sa anim na lalawigan sa Indonesia dahil sa lumalalang polusyon sa hangin na dulot ng mga forest at land fires.
Ayon kay Gogot Suharwoto ng Ministry of Education ng Indonesia, nasa 1.43 milyong mag-aaral mula sa 12,874 paaralan ang kasalukuyang sumasailalim sa distance learning sa mga lugar na labis na naapektuhan ng wildfire haze.
Kabilang sa mga lalawigang apektado ang Riau, Jambi, South Sumatra, West Kalimantan, Central Kalimantan at South Kalimantan.
Sa bilang na ito, mahigit 1.1 milyong estudyante ay mula sa West Kalimantan, ang lalawigang nakapagtala ng pinakamalawak na pinsala mula sa mga sunog ngayong taon.
Nagsimula ang remote learning noong Agosto 31 at inaasahang magtatagal hanggang Setyembre 4, habang patuloy na sinusuri ng mga awtoridad ang kalidad ng hangin kada tatlong araw.
Ipinaliwanag ni Suharwoto na ipinatutupad ang online classes kapag lumampas sa 200 ang Air Pollution Standard Index sa isang lugar.
Batay sa datos ng Forestry Ministry, karamihan sa mga lugar sa Kalimantan ay nakapagtala ng antas ng polusyon na higit sa 200, habang may ilang lugar na umabot pa sa mahigit 1,000. Ang Southeast Pontianak sa West Kalimantan ang may pinakamataas na naitalang reading na 1,023.
Sa sistema ng Indonesia, itinuturing na “hazardous” o mapanganib sa kalusugan ang air quality reading na lampas sa 300.
Samantala, tinatayang nasa 200,000 ektarya ng lupain ang natupok ng wildfire sa unang pitong buwan ng taon, kung saan halos dumoble ang lawak ng nasunog noong Hulyo lamang.





