Sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla nitong Biyernes na isa sa mga larawang binanggit sa affidavit ng 18 indibidwal na nagpakilalang dating Marines ay nagpapakita umano ng paghahatid ng pera sa isang mambabatas noong panahon pa ni dating House Speaker Lord Allan Velasco.
Ayon kay Remulla, nakuha niya ang impormasyon mula sa isang mapagkakatiwalaang source sa House of Representatives, na aniya’y nagpapakita na maaaring manipulahin ang ilang bahagi ng salaysay ng 18 katao.
Paliwanag ng Ombudsman, sa kanilang pagbusisi sa naturang larawan, lumalabas na ang insidenteng tinutukoy ay naganap noong panahon ni Velasco bilang Speaker ng Kamara.
“You know, I just received an intelligence report. And it seems to be very reliable. There was a delivery in the affidavit of the 18 Marines… [which] pointed to a delivery to one of the congress persons,” ani Remulla sa isang press conference.
“This picture that was put in the affidavit was done during the time of Speaker Velasco. So it’s not an entirely accurate depiction of pictures,” dagdag pa ni Remulla.
Ayon pa sa Ombudsman, posibleng nagkaroon ng manipulasyon sa timeline ng mga pangyayari upang magmukhang naganap ang insidente sa ibang panahon.
Matatandaang nagsilbing Speaker ng House of Representatives si Velasco mula Oktubre 2020 hanggang Hunyo 30, 2022 sa ilalim ng ika-18 Kongreso.
Sa panahong iyon, si dating Pangulong Rodrigo Duterte ang nakaupo bilang pangulo ng bansa.








