CAUAYAN CITY – Puntiryang maitanim ngayong buwan ng Nobyembre at Disyembre sa lalawigan ng Isabela ang isang milyong puno matapos ang matinding pagbaha.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Sangguniang Panlalawigan Ex-Officio Member at Liga ng mga Barangay Federation President Dante Halaman na nais nilang paigtingin ang pagpapatupad sa Executive Order na ipinalabas ni Governor Rodito Albano na limang taong sabay-sabay na pagtatanim ng mga puno.
Dahil dito, hinikayat niya ang lahat ng mga liga ng mga barangay sa lalawigan na ipatupad ang Executive Order no. 42, 43, 44 at 45.
Aniya, malaking bagay ang pagtatanim ngayon ng mga puno para mapigilan ang pagbaha dahil karamihan sa mga kagubatan ngayon ay kalbo na at wala ng sisipsip sa tubig-ulan.






