--Ads--

Isang lalaki ang nasawi habang dalawa naman ang sugatan sa salpukan ng tricycle at motorsiklong minamaneho ng isang pulis sa Barangay Looc, Cardona, Rizal, gabi ng Disyembre 24.

Kinilala ang nasawi na 51-anyos na driver ng tricycle na dead on arrival sa ospital matapos ang head-on collision. Ayon kay Police Captain Richard Dela Cruz, Deputy Chief of Police ng Cardona Municipal Police Station, papasok sa duty ang pulis nang mangyari ang insidente habang galing naman sa convenience store ang tricycle.

Batay sa paunang imbestigasyon, iniwasan umano ng tricycle ang isang traffic sign dahilan upang mapasok nito ang linya ng motorsiklo, na nagresulta sa malakas na banggaan. Parehong total wreck ang dalawang sasakyan dahil sa lakas ng impact.

Isinugod sa ospital ang 27-anyos na pulis na nagtamo ng pinsala sa ulo at kinakailangang operahan, habang nagtamo naman ng mga gasgas at pananakit ng braso at binti ang 17-anyos na sakay ng tricycle.

--Ads--

Ayon sa pamilya ng nasawi, hiniram lamang ang tricycle upang bumili sana ng uulamin para sa Noche Buena. Patuloy pa ang imbestigasyon ng PNP at sinusuri na rin ang mga kuha ng CCTV upang matukoy ang pananagutan sa insidente.