--Ads--

Napinsala ang limang sasakyan matapos araruhin ng isang pick-up truck ang mga ito sa kahabaan ng Barangay San Fermin, Cauayan City, Isabela pasado alas-12 ng madaling araw noong Enero 25, 2026.
‎
Batay sa ulat ng PNP Cauayan City, kabilang sa mga nasangkot sa insidente ang dalawang light truck na kapwa may tig-dalawang sakay kabilang ang kanilang mga drayber; isang delivery truck; at dalawang kolong-kolong na pagmamay-ari ng isang pribadong establisyemento.
‎
‎Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na mabilis na binabaybay ng pick-up truck ang lansangan patungong Cauayan City Proper sakay ng isang pick-up truck. Pagdating sa lugar ng insidente, nasalpok nito ang isang light truck na nakaparada sa gilid ng kalsada at sunod-sunod na tinamaan ang apat pang sasakyan na nakaparada din sa nasabing lugar.
‎
Ayon sa driver, hindi umano nito napansin ang unang sasakyang nakaparada dahilan upang mangyari ang banggaan.
‎
Isinugod naman sa pagamutan ang mga sugatang sakay ng isa sa mga light truck upang mabigyan ng agarang lunas.
‎
Samantala, hindi na magsasampa ng reklamo ang mga may-ari ng mga nadamay na sasakyan matapos akuin ng suspek ang lahat ng gastusin sa pagpapaayos ng mga napinsalang sasakyan.