Nasawi ang isang tao habang nasugatan naman ang tatlong iba pa matapos atakihin ang isang Iranian-flagged commercial vessel madaling-araw nitong Linggo malapit sa Hengam Island at baybayin ng Shib Deraz sa Qeshm Island, Iran.
Ayon kay Qeshm Governor Amir Teymouri, tinamaan ang barko dakong alas-5 ng umaga sa pagitan ng Hengam Island at baybayin ng Qeshm Island.
Nangyari ang insidente ilang oras matapos iulat ng UK Maritime Trade Operations o UKMTO na isang barkong naglalayag sa Strait of Hormuz ang tinamaan ng projectile na hindi pa matukoy ang pinagmulan.
Hindi pa malinaw kung may kaugnayan ang dalawang insidente.
Kasunod nito, hinimok ng UKMTO ang mga barkong dumadaan sa lugar na paigtingin ang seguridad at agad iulat ang anumang kahina-hinalang kilos o aktibidad habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad.






