CAUAYAN CITY- Patay ang isang tsuper ng motorsiklo, tatlo ang nasugatan sa dalawang banggaan na sangkot ang dalawang motorsiklo at isang dumptruck sa Isabela.
Patay si Arman Galapon, residente ng Paraiso, Cabatuan, Isabela matapos matumba ang minamanehong motorsiklo habang binabagtas ang tulay sa Saranay, Aurora Isabela.
Nasugatan naman ang tatlong lalaking sakay ng motorsiklo matapos bumangga sa isang dumptruck sa provincial road ng San Roque, Sto. Tomas, Isabela.
Ang mga nasugatan ay sina Ralph Barroga, 25 anyos, magsasaka at tsuper ng motorsiklo habang ang kanyang mga angkas ay sina Sammy Allapitan, 27 anyos at Ryan Gumaru, college student at pawang residente ng Caniogan Abajo Sur, Sto. Tomas, Isabela.
Ang tsuper ng dumptruck ay si Eduardo Pacleb, 40 anyos at residente ng lunsod ng Ilagan.
Hindi umano napansin ng tsuper ng motorsiklo na liliko ang dumptruck kaya bumangga sa tagiliran ng truck.
Agad isinugod sa ospital ang tatlong sakay ng motorsiklo na tumilapon at nagtamo ng mga sugat sa kanilang katawan.




