CAUAYAN CITY – Patay ang isang Sales Agent matapos pagbabarilin sa Barangay Rosario, Lunsod ng Santiago.
Ang biktima ay si Jayson Tinio, 31 anyos, at residente ng Barangay Mabini, Santiago City.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Santiago City Police Office o SCPO Station 2, patungo sa kanilang apartment si Tinio kasama ng kaniyang kinakasama sakay ng minamanehong kotse nang tambangan at pagbabarilin ng suspek.
Nagtamo ng tama ng bala ng hindi pa mabatid na baril sa kanyang katawan ang biktima na dahilan ng kaniyang agarang kamatayan habang maswerte namang nakaligtas ang kaniyang kinakasama.
Agad namang tumakas ang suspek na sakay ng motorsiklo.
Ayon naman sa SCPO, love triangle ang nakikitang motibo sa pagbaril sa biktima dahil hiwalay siya sa kaniyang asawa at mayroon nang kinakasamang ibang babae.
Patuloy namang inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan ng suspek na bumaril patay sa biktima.




