Patuloy ang paghahanap sa 11 katao na nawawala matapos lumubog ang isang bangka sa karagatang bahagi ng Ensenada, Baja California, Mexico.
Ayon sa United States Coast Guard, 16 na Mexican nationals ang nasagip nitong Biyernes, Oktubre 16. Batay sa salaysay ng mga nakaligtas, 27 katao ang sakay ng bangka bago ito tumaob.
Sinabi ng Coast Guard na ilan sa mga nasagip ay nagtamo ng malulubhang sugat na posibleng kagat ng pating. Binigyan sila ng paunang lunas habang dinadala patungong San Diego, California.
Bandang ala-1 ng madaling araw nang makatanggap ng distress call ang Coast Guard mula sa isa sa mga sakay ng bangka. Nakarating sa lugar ang rescue helicopter makalipas ang halos dalawang oras, at tumagal ng humigit-kumulang 90 minutes ang pagsagip sa 16 na pasahero.
Katuwang ng U.S. Coast Guard at U.S. Navy ang Mexican Navy sa paghahanap sa mga nawawala gamit ang mga bangka at sasakyang panghimpapawid.
Nangyari ang insidente 225 kilometro sa kanluran ng Ensenada.
Bagama’t nangyari ang insidente sa labas ng karagatang sakop ng Estados Unidos, nagpadala pa rin ang Coast Guard ng mga tauhan at kagamitan upang tumulong sa rescue operation.










