Nadiskubre ng mga minero sa Myanmar ang isang napakalaking bihirang ruby na itinuturing na ikalawang pinakamabigat na ruby na natagpuan sa naturang bansa, ayon sa ulat ng state media nitong Biyernes.
Ang naturang ruby ay may bigat na 11,000 carats o tinatayang 2.2 kilo at natagpuan malapit sa bayan ng Mogok sa upper Mandalay region, na kilala bilang sentro ng industriya ng pagmimina ng mamahaling bato sa Myanmar.
Batay sa ulat ng state-run na Global New Light of Myanmar, nadiskubre ang rough ruby noong kalagitnaan ng Abril matapos ang tradisyunal na pagdiriwang ng Bagong Taon sa bansa.
Bagama’t kalahati lamang ito ng timbang ng 21,450-carat ruby na natagpuan noong 1996, sinasabing mas mahalaga umano ang bagong natuklasang bato dahil sa mas mataas nitong kalidad at kulay.
Inilarawan ang ruby na may purplish-red na kulay na may bahagyang yellowish undertones, mataas na color grade, katamtamang transparency, at makintab na reflective surface.
Kilala ang Myanmar bilang pinagmumulan ng halos 90 porsyento ng ruby sa buong mundo, partikular mula sa mga lugar ng Mogok at Mong Hsu.
Gayunman, nananatiling kontrobersyal ang industriya ng gemstones sa bansa dahil ayon sa ilang human rights groups, kabilang ang Global Witness, nagsisilbing malaking pinagkukunan ng kita ng militar ng Myanmar ang kalakalan ng mga mamahaling bato.





