Kinumpirma ng Education Facilities Section ng Department of Education (DepEd) Cauayan City na may 12 pampublikong paaralan sa lungsod ang nangangailangan ng agarang pagkukumpuni sa kanilang mga silid-aralan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Elison John B. Ramos, inihayag niya na ngayong school year ay kinakailangan ang humigit-kumulang 80 bagong classrooms upang matugunan ang patuloy na pagdami ng mga mag-aaral.
Karamihan sa mga gusali ay may sira sa bubong, dingding, at sahig na nagdudulot ng panganib sa kaligtasan ng mga guro at mag-aaral. Dagdag pa ni Ramos, nakikipag-ugnayan na ang kanilang tanggapan sa lokal na pamahalaan at iba pang ahensya upang maisama ang mga paaralang ito sa mga prayoridad na proyekto.
Batay sa tala ng DepEd, 14 na classrooms ang nakatakdang kumpunihin, habang 9 na classrooms naman ang may nakalaang pondo para sa electrification.
Pangunahing kabilang sa mga nangangailangan ng pagkukumpuni ang Cauayan City National High School, Cauayan North Central School, at Cauayan South Central School, na pawang mga pinakamalalaking paaralan sa lungsod. Kabilang din dito ang ilang paaralan sa mga barangay.
Hinikayat ng DepEd ang mga stakeholder at community partners na makipagtulungan upang mapabilis ang pagsasaayos ng mga nasabing pasilidad.
Tiniyak ni Engr. Ramos na nananatiling pangunahing layunin ng DepEd na matiyak ang ligtas at maayos na silid-aralan para sa bawat mag-aaral. Patuloy aniya silang nagsasagawa ng assessment at naghahanda ng mga plano para sa rehabilitasyon.











