--Ads--

Umaasa ngayon ang Cauayan South Central School na hindi na madadagdagan pa ang bilang ng mga estudyante ngayong school year dahil sa kakulangan ng mga silid aralan.

Ang naturang paaralan kasi ang pinakamaluwang na Elementary school sa lungsod na mayroong mahigit 2700 na estudyante noong nakaraang taon.

Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kay Principal Albert Perico ng Cauayan South Central School, sinabi niya na mahigit 2000 na ang matagumpay na nakapag enroll ngayon sa naturang paaralan at kasalukuyan pa lamang ang kanilang head count upang malaman ang eksaktong datos.

Ayon kay Principal, noong nakaraang taon na 2700 ang bilang ng estudyante ay naramdaman na ang kakulangan ng pasilidad kaya inaasahang mas mahihirapan pa ang sitwasyon ng mga mag-aaral kung lalo pang lolobo ang populasyon.

--Ads--

Dahil dito ang grade 4 at grade 5 ay magkakaroon ng doble shift kung saan ang schedule ng unang shift ay alas 7 ng umaga hanggang alas 12 ng tanghali, habang ang pangalawang shift naman ay alas 12 ng tanghali hanggang alas 5 ng hapon.

Sa katunayan aniya, sa 80 classrooms na mayroon ang mga paaralan, may mga kindergarten classroom pa na hinati na sa dalawang section dahil wala nang magamit na silid.

Samantala umaasa ang naturang paaralan na hindi na hihigit pa sa 3000 ang bilang ng mga estudyante.

Ayon pa kay Principal Perico, bagaman maganda ang environment sa paaralan, tanging problema lamang aniya ay ang kulang na silid.

Aniya, bagaman umaasa at hinihiling nila na sana ay hindi na madagdagan ang populasyon, handa pa rin naman aniya silang tumanggap ng late enrollees sakaling may mga hahabol pa.