Nasugatan ang 12 sundalong Amerikano matapos ang pag-atake ng puwersa ng Iran sa isang base ng U.S. sa Saudi Arabia. Dalawa sa mga ito ang malubha ang kondisyon matapos tamaan ang Prince Sultan Air Base, ayon sa ulat ng iba’t ibang international media.
Sa isang talumpati sa Miami, sinabi ni Donald Trump na nagkamali ang NATO dahil hindi umano ito sumuporta o kumilos kaugnay ng tensyon laban sa Iran. Binigyang-diin niya na mahalagang magkaisa ang mga bansa sa ganitong sitwasyon.
Samantala, pinag-aaralan ng Estados Unidos ang pagdeploy ng karagdagang 10,000 sundalo sa Middle East. Hindi pa tiyak kung kailan ito isasagawa, habang ipinagpapaliban pa rin ang posibleng pag-atake sa energy facilities ng Iran. Nangako naman ang Israel na palalawakin pa ang kanilang air campaign laban sa Iran.
Libo-libong tropang Amerikano, kabilang ang Marines at iba pang elite forces, ang naipadala na sa rehiyon.











