--Ads--

CAUAYAN CITY – Binawian na ng buhay ang isang 13 anyos na nabaril ng driver ng Pamahalaang lokal ng San Agustin, Isabela.

Sumakabilang buhay matapos ang halos isang linggo sa ospital ang binatilyong si Angelo Ancheta, estudiyante, residente ng Quimalabasa Norte, San Agustin, Isabela.

Patuloy na pinaghahanap ng mga otoridad ang suspek na si Glen Aguinaldo, 27 anyos, driver ng LGU San Agustin at residente ng barangay Quimalabasa Sur, San Agustin, Isabela.

Nauna rito, ang suspek na si Aguinaldo ay nasa impluwensiya ng alak nang kinompronta ang biktima at sa di malamang dahilan ay naglabas ng Caliber 45 na baril at pinaputukan si Angelo.

--Ads--

Tinamaan ang binatilyo sa kanyang panga na tumagos sa kanyang dibdib hanggang likuran.

Umaasa ang pamilya ng biktima na matatagpuan na ang suspek para makamit nila ang katarungan para kay Angelo.

Samantala, inihayag Mayor Cesar Mondala ng San Agustin na hindi niya alam na may baril si Aguinaldo ngunit tiniyak niya na pananagutan nito ang kanyang ginawang krimen.