Masusing paghahanda ang isinagawa ng pamunuan ng barangay Tagaran, Cauayan City para sa nalalapit na opening ng Gawagaway-yan Festival mamayang alas-5 ng Hapon, Marso 31 na gaganapin sa BGD Complex
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Punong Barangay Benjie Balauag ng Tagaran, sinabi niya na bago pa man magsimula ang programa, agad na nagsagawa ng malawakang paglilinis ang barangay sa buong complex upang masiguro ang kaayusan at kaligtasan ng venue.
Kasama rito ang pagsasaayos ng pasilidad at pagtanggal ng anumang sagabal na maaaring magdulot ng abala o panganib sa mga dadalo.
Bukod sa paglilinis, nagpakalat din ang barangay ng mga basurahan sa iba’t ibang bahagi ng complex upang hikayatin ang lahat na maging responsable sa pagtatapon ng basura. Layunin nila na mapanatili ang kalinisan ng lugar sa buong daloy ng programa, lalo na’t inaasahan ang malaking bilang ng mga tao.
Bilang bahagi rin ng pagpapalakas ng seguridad, ipinangako ni Punong Barangay Balauag na magpapakalat ng mga barangay tanod at sasakyan sa paligid ng venue. Tutulong din ang mga barangay tanod sa crowd control, pagbabantay, at agarang pagsusugpo sa anumang insidente na maaaring mangyari.
Patuloy din ang koordinasyon ng barangay sa iba pang ahensya ng pamahalaan upang matiyak ang maayos na daloy ng programa at kaligtasan ng publiko. Pinayuhan naman ang mga dadalo na sumunod sa mga patakaran, maging mapagmatyag sa kanilang paligid, at makiisa sa pagpapanatili ng kaayusan.











