Natagpuan na ang lahat ng 13 mangingisdang sakay ng tumaob na bangkang pangisda na “JOBHENZ” sa baybayin ng Barangay San Vicente, Sta. Ana, Cagayan, habang naghahanap ng masisilungan sa kasagsagan ng Super Typhoon Nando.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay CG Ens. Dionisio Mahilum ng Coast Guard District Northeastern Luzon, sinabi niyang batay sa paunang imbestigasyon, nakaangkla ang naturang bangka sa nasabing lugar nang abutan ito ng sunod-sunod na malalakas na alon at bugso ng hangin. Dahil dito, nawalan ng balanse ang bangka at tuluyang tumaob.
Ang mga mangingisda, na pawang mula sa Quezon Province, ay pansamantalang nagtago sa baybayin upang umiwas sa epekto ng bagyo ngunit hindi inaasahang aabutin sila ng panganib habang nakaangkla.
Agad na nagsagawa ng search and rescue operations ang Coast Guard Station (CGS) Santa Ana. Nagpakalat sila ng karagdagang Search and Rescue (SAR) Teams, kabilang ang PCG Special Operations Group (SOG) divers at Coast Guard Medical Team (CGMED). Nag-deploy din sila ng High-Speed Response Boat (HSRB) at ilang rubber boats upang mapabilis ang operasyon.
Apat na mangingisda ang unang nasagip at agad dinala sa St. Anthony’s Hospital para sa kaukulang medikal na atensyon. Kasunod nito, dalawa pang mangingisda ang nailigtas habang isa namang bangkay ang narekober.
Sa kabuuan, anim ang nakaligtas habang pito ang nasawi.
Ibinahagi rin ni Ens. Mahilum na nahirapan ang mga otoridad sa pagsagip sa dalawang mangingisdang natrap sa loob ng bangka. Kinailangan pa nilang gumamit ng chainsaw upang butasin ang bahagi ng bangkang tumaob at mailigtas ang mga ito.
Ang mga bangkay ng mga nasawi ay ipinasakamay na sa Rural Health Unit (RHU) ng Sta. Ana, Cagayan para sa wastong disposisyon at pagkilala ng mga kaanak.
Muling nagpaalala ang Philippine Coast Guard (PCG) sa mga mangingisda at mamamayan na mahigpit na sundin ang no sail policy sa tuwing may bagyo, upang maiwasan ang kaparehong insidente. Hinikayat din ang publiko na patuloy na mag-monitor sa mga babala at anunsyo ng mga kinauukulan upang matiyak ang kaligtasan.










