Mahigpit na binabantayan ng Regional Anti-Crime Unit 2 (RACU 2) ang tinatawag na “love scam” na karaniwang dumarami ang kaso tuwing buwan ng mga Puso at kinasasangkutan ng ilang mamamayan sa rehiyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. John Carl Lozada, hepe ng Investigation Section ng RACU 2, sinabi niyang batay sa kanilang rekord noong nakaraang taon ay may tatlong indibidwal na nasangkot sa mga kasong may kaugnayan sa love scam.
Ayon kay Lozada, kadalasang nabibiktima ng ganitong modus ang mga balo, single mom, at mga single na naghahanap ng kasintahan sa online platforms.
Samantala, ang mga suspek naman ay nagpapanggap na mga dayuhan at gumagamit ng kanilang panlilinlang at pang-akit upang mapasunod ang mga biktima.
Dagdag pa niya, sa tatlong kasong naitala noong nakaraang taon ay nakapagsampa na sila ng kaso laban sa mga suspek, depende sa bigat ng halagang hinihingi o nakukuha mula sa mga biktima.
Aniya, may mga pagkakataong nababawi pa ng biktima ang perang nawala, subalit may mga kaso rin na hindi na ito naibabalik. Ipinaliwanag ni PCapt. Lozada na ang love scam ay pangunahing nakatuon sa emosyon at ugnayan ng biktima sa suspek bago humantong sa pagkalugi sa pananalapi.
Iba naman ito sa iba pang uri ng cybercrime na karaniwang gumagamit ng blackmail, extortion, o phishing. Pinaalalahanan niya ang publiko na huwag agad magtiwala sa mga taong nakikilala lamang online. Mas mainam aniyang personal munang makilala ang kausap upang matiyak ang kanilang pagkakakilanlan.
Pinayuhan din ang publiko na huwag magpadala ng pera sa mga taong hindi pa lubos na kilala at iwasang magbahagi ng personal na impormasyon na maaaring magamit sa panlilinlang o sa pansariling interes ng mga manloloko.
Nanawagan din ang RACU 2 sa mga biktima o sa mga nakararanas ng ganitong uri ng modus na agad na lumapit sa kanilang opisina na matatagpuan sa Camp Marcelo A. Adduru, Regional Headquarters ng Region 2.
Mayroon din silang mga satellite office sa Santiago City at Bayombong, Nueva Vizcaya. Maaari rin silang kontakin sa hotline number na 0955-188-8421 o sa kanilang email address na anticybercrime@gmail.com.
Home Local News
𝐑𝐀𝐂𝐔 𝟐, 𝐦𝐚𝐡𝐢𝐠𝐩𝐢𝐭 𝐧𝐚 𝐛𝐢𝐧𝐚𝐛𝐚𝐧𝐭𝐚𝐲𝐚𝐧 𝐚𝐧𝐠 𝐩𝐚𝐠𝐝𝐚𝐦𝐢 𝐧𝐠 𝐋𝐨𝐯𝐞 𝐒𝐜𝐚𝐦 𝐧𝐠𝐚𝐲𝐨𝐧𝐠 𝐛𝐮𝐰𝐚𝐧 𝐧𝐠 𝐦𝐠𝐚 𝐩𝐮𝐬𝐨
--Ads--










