CAUAYAN CITY- Sugatan ang 13 magsasaka matapos mabangga ng pampasaherong bus ang sinasakyan nilang kuliglig sa kahabaan ng National Highway na bahagi ng Roxas, Isabela.
Ang mga biktima ay sina Alfredo Altura, Jodel Tagalisma, Rico Darwin, Edwin Obina, Rachelle Buscas, Mitch Valdez, Oscar Tagalisma, Vincent Antonio, Angelica Agustin, Renator Buscas, Ryan Jay Pareñas, Johnson Bisena at isang menor de edad na pawang mga residente ng San Manuel, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PSSGT Kennedy Gorospe, Investigator on case ng Roxas Police Station, sinabi niya na parehong binabagtas ng Hand Tractor at pampasaherong bus ang National Highway patungong Lalawigan ng Kalinga.
Mabilis umano ang patakbo ng bus at dahil sa walang ilaw at reflectorized ang kuliglig ay hindi ito napansin ng bus dahilan kaya’t nabangga ito.
Nagtamo ng malubhang sugat sa kawatan ang mga biktima at agad namang naisugod sa pagamutan ngunit tatlo sa mga ito ang nakatakdang ilipat sa mas malaking ospital sa Lungsod ng Tuguegarao.
Maswerte namang hindi nasaktan ang driver at mga pasahero ng nakabanggang bus.
Napag-alaman na makikitanim lang sana ng palay ang mga biktima sa Kalinga nang mangyari ang insidente.
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng Roxas Police Station ang tsuper ng bus kung saan inihahanda na ang kasong isasampa laban sa kaniya.