--Ads--

Mas paiigtingin ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela ang pagpapatupad ng RA 10054 o Motorcycle Helmet Act of 2009 kasunod ng pagdami ng mga aksidenteng kinasasangkutan ng mga nagmamaneho ng motorsiklo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCpt. Scarlette Topinio, Information Officer ng Isabela Police Provincial Office (IPPO), sinabi niya na sa koordinasyon ng IPPO, PNP-iSMART, Public Safety Office, at LTO Region 2, hihigpitan ang implementasyon ng batas na nag-aatas sa mga motorista na magsuot ng helmet na may PS o Philippine Standard mark at ICC o Import Commodity Clearance sticker.

Layunin nito na mapababa ang bilang ng aksidente at masiguro ang kaligtasan ng mga nagmomotorsiklo.

Batay sa datos ng IPPO mula unang araw ng Marso hanggang Marso 18, naitala ang 44 aksidente, kung saan 42 ang kinasangkutan ng mga nagmamaneho ng motorsiklo.

--Ads--

Kabilang sa mga pangunahing sanhi ng aksidente ang over-speeding, paglabag sa traffic rules, at hindi pagsusuot ng angkop na helmet.

Dagdag pa ni Topinio, magsasagawa rin ang mga pulis ng road checkpoints at helmet inspection operations sa iba’t ibang lungsod at bayan ng Isabela.

Binigyang-diin ng IPPO na ang mahigpit na pagpapatupad ng batas ay hindi lamang para sa legal na obligasyon ng mga motorista kundi para sa kanilang kaligtasan at proteksyon mula sa malubhang pinsala sa aksidente.