--Ads--

Patay ang 13 katao matapos bumagsak ang isang maliit na eroplano na nagsasagawa ng sightseeing flight sa ibabaw ng sikat na Nazca Lines archaeological site sa katimugang bahagi ng Peru nitong Sabado.

Ayon sa mga awtoridad sa lalawigan ng Nazca, sakay ng eroplano ang 11 pasahero at dalawang piloto nang mangyari ang trahedya.

Naganap ang pagbagsak ng eroplano sa lugar ng Pueblo Viejo, humigit-kumulang anim na kilometro mula sa lungsod ng Nazca at nasa 12 kilometro mula sa mismong Nazca Lines.

Batay sa ulat, ang eroplano ay pag-aari ng lokal na airline na Aerodiana. Lumipad ito mula sa Pisco Airport upang magsagawa ng aerial tour sa ibabaw ng Nazca Lines ngunit ilang minuto lamang matapos ang paglipad ay nawalan na ito ng komunikasyon sa control tower.

--Ads--

Sa ngayon ay hindi pa matukoy ng mga awtoridad ang sanhi ng aksidente at nakatakda nang magsagawa ng masusing imbestigasyon upang malaman ang dahilan ng pagbagsak ng eroplano.

Kumalat naman sa social media ang mga video na nagpapakita ng umuusok na mga labi ng eroplano sa isang tuyong kapatagan sa lugar ng insidente.

Ang Nazca Lines ay binubuo ng malalaking guhit at geometric figures na nakaukit sa disyerto ng Peru at kabilang sa mga pangunahing tourist destinatination sa bansa. Tinatayang umaabot sa 100,000 turista ang bumibisita rito kada taon, at karaniwang tinitingnan ang mga disenyo mula sa mga maliit na eroplano.

Bago ang insidente, pansamantalang sinuspinde noong Biyernes ang mga sightseeing flight sa lugar dahil sa malalakas na hangin na lumampas sa 40 kilometro kada oras na nagdulot ng alikabok at mababang visibility.

Dahil sa masamang kondisyon ng panahon, napilitang ilihis sa Marcona Airport ang isang eroplano na may sakay na dalawang turistang Peruvian at isa pang eroplano na may anim na dayuhang turista, ayon sa mga lokal na ulat.