--Ads--

Hindi bababa sa 139 migrants, kabilang ang 15 bata, ang nasawi matapos tumaob ang bangkang sinasakyan ng mahigit 300 katao sa baybayin ng Djibouti sa Silangang bahagi ng Africa, ayon sa International Organization for Migration o IOM.

Ayon sa ahensya, patungo sa Yemen ang bangka nang lumubog malapit sa Guhere, hilaga ng bayan ng Obock. Pinaniniwalaang pangunahing dahilan ng paglubog ang sobrang dami ng pasahero.

Bukod sa mga nasawi, 84 katao pa ang nawawala habang 82 ang nakaligtas sa insidente. Pawang mga Ethiopian nationals ang mga nakaligtas, batay sa ulat ng IOM.

Patuloy ang search and rescue operations ng mga awtoridad sa Djibouti habang binibigyan naman ng tulong medikal ang mga nakaligtas sa isang rescue center sa Obock.

--Ads--

Ayon kay Alexandre Coissac, pinuno ng IOM sa Djibouti, opisyal na bilang pa lamang ng mga bangkay na inilibing ng mga awtoridad ang 139 na nasawi. Hindi pa kasama rito ang iba pang inilibing ng kapwa migrants dahil kailangan pang beripikahin ang kanilang pagkakakilanlan.

Taun-taon, libu-libong migrants mula sa Horn of Africa ang dumaraan sa Djibouti at tumatawid patungong Yemen sa pag-asang makahanap ng trabaho at mas magandang oportunidad sa mga bansa sa Gulf. Gayunman, nananatiling mapanganib ang rutang ito dahil sa mga aksidente sa dagat at kaguluhan sa rehiyon.