Natagpuang patay sa loob ng abandonadong septic tank ang isang 46-anyos na guro sa Barangay Looc, Panglao, Bohol nitong Sabado, Oktubre 31, matapos umanong paslangin ng kaniyang 15-anyos na anak.
Ayon sa Panglao Police Station, nadiskubre ang bangkay matapos humingi ng tulong ang isang residente na nakapansin ng maraming langaw sa paligid ng septic tank.
Batay sa paunang pagsusuri, nagtamo ang biktima ng traumatic head injuries at hinihinalang nasawi madaling-araw ng nasabing araw.
Sa hot pursuit investigation, natukoy ng mga awtoridad ang menor de edad na anak ng biktima na umamin umano sa krimen. Nagsimula umano ang insidente sa pagtatalo ng mag-ina matapos sitahin ng ina ang anak dahil sa pagliban at pag-cutting classes sa paaralan.
Matapos ang insidente, itinago umano ng binatilyo ang katawan ng kaniyang ina sa abandonadong septic tank at tinakpan ito ng mga bato. Narekober din sa kanilang bahay ang isang martilyo na pinaniniwalaang ginamit sa krimen.
Dahil menor de edad ang suspek, hindi inilabas ng pulisya ang kaniyang pagkakakilanlan. Nasa pangangalaga na siya ng Municipal Social Welfare and Development Office para sa kaukulang intervention at pagproseso alinsunod sa batas.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente.





