--Ads--

Labinlimang deboto, kabilang ang limang menor de edad, ang nasugatan matapos mabangga ng isang police mobile habang patungo sa simbahan nitong Biyernes Santo sa Ligao, Albay.

Ayon sa ulat ng Albay Police, nagsasagawa sila ng inspeksyon sa isang pilgrimage site nang may lumapit na residente at humiling ng libreng sakay para sa tatlong senior citizens.

Habang tinutulungan ang mga senior citizen na sumakay sa mobile unit, bigla umanong umusad pababa ang sasakyan sa pababang kalsada at nabangga ang ilang deboto.

Ibinahagi ng driver na si Police Corporal Stephen Ocfemia na maayos naman umano ang pagkakapark ng sasakyan.

--Ads--

“’Yung mobile po, maganda po iyong pagka-park. Naka-handbrake tapos may bato… Padausdos po kasi iyong kalsada. Sa sobrang dami nilang sumakay, parang umabante po yung patrol car natin,” aniya.

Dagdag pa niya, sinubukan niya itong pigilan ngunit hindi niya kinaya ang bigat ng sasakyan.

“Pag-abante po, hinawakan ko po sa likod para mapigilan. Sa sobrang bigat po, hindi ko na po talaga kinaya hanggang nasugatan na po ako… Nabitawan ko na po yung patrol,” dagdag niya.

Agad namang dinala sa ospital ang mga nasugatan at kasalukuyang nagpapagaling.

Samantala, inalis na sa puwesto ang driver at maaari itong humarap sa iba’t ibang kaso kaugnay ng insidente.

Ayon kay Albay Police Director Police Colonel Noel Nuñez, patuloy pa ang imbestigasyon.

“May relief order na siya. Tinitignan din natin yung posibleng pagsasampa ng kaso tulad ng reckless imprudence resulting in physical injuries at damage to property, at siguradong papasok din siya sa administrative case,” pahayag niya.