Umabot sa mahigit 15,000 na rehistradong botante sa lungsod ng Cauayan ang hindi nakapagboto noong nakaraang halalan ayon sa talaan ng Commission on Elections (Comelec) Cauayan City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Johanna Vallejo, City Election Officer, sinabi niya na 93,785 na botante ang rehistrado sa lungsod subalit 78,505 lamang ang nakaboto sa katatapos na halalan, ibig sabihin nito ay 15,280 na indibidwal ang hindi bumoto.
Marahil aniya ay may mga kanya kanyang dahilan naman ang mga botante kung bakit intensyon nilang hindi bumoto, pero paglilinaw ng ahensya walang nasaraduhan sa voting hour.
Wala naman aniyang nakikitang dahilan ang Comelec kaugnay sa dami ng bilang ng mga hindi nakaboto subalit natutuwa naman sila dahil sa kabila ng hindi pagboto ng ilang mga residente ay nananatili namang mataas ang voter turnout na umabot sa 83.71%.
Nahigitan pa rin naman ng voter turnout ang expectation ng Comelec dahil kadalasan ay 60% lamang ng mga botante ang nakakaboto at ngayon ay mas mataas pa.
Umaasa naman ang ahensya na sa Barangay and SK election ay ma-practice na ng mga botante ang kanilang karapatang bumoto at inaasahang 100% ng mga botante ang magluluklok ng bagong lider.











