--Ads--

Muling naharap sa mga paratang ng katiwalian ang Bureau of Fire Protection (BFP) matapos isiwalat ng isang negosyante ang umano’y “one-stop shop” na modus operandi ng ilang tauhan ng ahensiya.

Sa eksklusibong ulat ng Bilyonaryo News Channel, ibinahagi ng negosyanteng gumamit ng alyas na “Mika” ang kanyang karanasan sa isang biglaang inspeksiyon ng BFP sa kanyang negosyong kabilang sa creative industry.

Matapos umano ang inspeksyon, inirekomenda ng isang BFP personnel na bumili siya ng mga fire safety equipment gaya ng smoke alarm, smoke detector at fire extinguisher bilang bahagi ng mga kinakailangan para sa fire safety certificate.

Ayon kay Mika, iniabot pa umano sa kanya ang isang calling card at sinabing doon lamang siya dapat bumili ng mga naturang kagamitan. Laking gulat niya nang mapansing pangalan mismo ng BFP personnel ang nakalagay sa calling card.

--Ads--

Dagdag pa niya, halos tatlong beses na mas mahal ang presyong inalok para sa fire extinguisher kumpara sa karaniwang presyo sa merkado. Nang tanungin niya kung maaari bang bumili sa ibang mas murang supplier, mariin umano itong tinanggihan ng BFP personnel.

Dahil dito, napilitan umano si Mika na bumili ng fire extinguisher na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P3,500, kahit na karaniwan itong nagkakahalaga lamang ng P1,000.

Binigyang-diin ni Mika na handa siyang gumastos para sa kaligtasan ng kanyang negosyo, ngunit hindi niya matanggap na ang kanyang pinaghirapang pera ay mapupunta umano sa katiwalian.

Ayon pa sa kanya, nakalulungkot umanong unti-unting nawawala ang tiwala ng publiko sa pamahalaan dahil sa patuloy na paniningil ng umano’y suhol sa iba’t ibang ahensiya.

Matatandaang nauna nang sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla na ang BFP umano ang pinaka-korap na ahensiya sa gobyerno.

Kaugnay nito, hinikayat ni BFP spokesperson FSupt. Anthony Arroyo si Mika at ang iba pang biktima ng umano’y maling gawain ng ilang tauhan ng ahensiya na magsumite ng reklamo sa opisyal na website ng BFP.

Ayon kay Arroyo, mahalaga ang sapat na ebidensiya upang mapanagot ang mga sangkot, at tiniyak niyang mananatiling confidential ang mga reklamong isusumite habang patuloy ang mga isinasagawang imbestigasyon.