--Ads--

Naniniwala si retiradong Mahistrado ng Korte Suprema na si Adolfo Azcuna na mananatiling 16 na boto ang kinakailangan upang mahatulan si Bise Presidente Sara Duterte sa nalalapit na impeachment trial sa Senado na magsisimula sa Hulyo.

Ayon kay Azcuna, isa sa mga bumalangkas ng 1987 Konstitusyon, ang kinakailangang dalawang-katlong boto para sa conviction ay dapat ibatay sa kabuuang bilang ng mga miyembro ng Senado, kahit pa may mga senador na hindi makadalo o makalahok sa pagdinig.

Gayunman, sinabi niyang maaaring magbago ang bilang kung ideklarang pugante at mawalan ng karapatang lumahok si Senador Ronald “Bato” dela Rosa. Sa ganitong sitwasyon, maaari umanong ituring na nagkaroon ng “constructive resignation” ang senador dahil sa pagtalikod sa sistemang legal.

Bagama’t may mga nagsasabing hindi dapat isama sa bilang ang mga senador na hindi nakikilahok sa paglilitis, iginiit ni Azcuna na malinaw ang layunin ng Konstitusyon na gawing mahigpit ang proseso ng impeachment upang maprotektahan ang panunungkulan ng matataas na opisyal ng pamahalaan.

--Ads--

Samantala, sinabi naman ni House Deputy Majority Leader at kinatawan ng Akbayan na si Chel Diokno na mas nakatuon ang prosecution panel sa maayos na presentasyon ng ebidensiya kaysa sa pagkuha ng sapat na boto para sa conviction.

Ayon kay Diokno, inaasahang magiging mahalagang bahagi ng kaso ang malalawak at detalyadong bank records na maaaring magsilbing matibay na ebidensiya laban kay Duterte sa paglilitis sa Senado.

Idinagdag niya na hindi prayoridad ng prosekusyon ang pagbibilang ng mga boto, kundi ang pagpapatibay ng kanilang argumento sa harap ng impeachment court.