--Ads--

Nahati ang pananaw ng mga senador hinggil sa Senate Bill No. 1512 na naglalayong lumikha ng Independent People’s Commission (IPC), isang komisyong magsisiyasat sa mga anomalya sa mga proyektong pang-imprastraktura ng pamahalaan. Labing-anim (16) na senador ang lumagda sa committee report, habang walo (8) naman ang hindi naglagay ng kanilang pirma.

Kabilang sa mga lumagda sa report sina Senators Kiko Pangilinan, Win Gatchalian, Bong Go, Pia Cayetano, Jinggoy Estrada, JV Ejercito, Mark Villar, Erwin Tulfo, Loren Legarda, Risa Hontiveros, Bam Aquino, Joel Villanueva, Robinhood Padilla, Ping Lacson, Migz Zubiri, at Tito Sotto.

Samantala, hindi naman lumagda sina Senators Bato Dela Rosa, Imee Marcos, Camille Villar, Lito Lapid, Raffy Tulfo, Rodante Marcoleta, Chiz Escudero, at Alan Peter Cayetano.

Ayon kay Kiko Pangilinan, Chair ng Senate Committee on Justice and Human Rights at pangunahing sponsor ng panukala, kinakailangan ang isang tunay na malaya at may kapangyarihang IPC na magsisilbing “people’s watchdog” upang tiyaking mananagot ang mga sangkot sa katiwalian.

--Ads--

Saklaw ng kapangyarihang nakasaad sa panukala ang paglalabas ng subpoena, pag-freeze ng assets, pagbibigay ng witness immunity, pag-blacklist ng mga kontratista, at pagde-deputize sa mga law enforcement agencies upang makatulong sa imbestigasyon.

Iginiit ni Pangilinan ang kahalagahan ng agarang pagpasa sa panukala bilang pagtupad sa kanilang pananagutan sa mga Pilipinong nawalan ng mahal sa buhay, tahanan, at hanapbuhay dahil sa matinding pagbaha na iniuugnay sa umano’y ghost, substandard, at bigong mga proyekto sa imprastraktura.