--Ads--

Humiling si Swerte Party-list Rep. Arlyn Ayon sa Land Transportation Office (LTO) na magpatupad ng pansamantalang moratorium sa paghuli ng mga traffic violator sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

Inihayag ni Ayon ang mungkahing ito sa pagdinig ng House Committee on Transportation noong Miyerkules na pinamunuan ni Quezon City Rep. Franz Pumaren.

Ayon sa kongresista, maaari umanong ipatupad ang “no apprehension” sa loob ng dalawa hanggang tatlong linggo upang mabigyan ng kaunting ginhawa ang mga motorista na apektado ng mataas na gastusin.

“Puwede ba natin no apprehension muna for two week or three weeks, for the meantime habang naghihirap yung ating mga tao, habang lubog tayo ngayon sa kahirapan dahil sa sitwasyon natin?” ani Ayon.

--Ads--

Partikular niyang binanggit ang mga single motorcycle na ginagamit ng mga magulang sa paghahatid ng kanilang mga anak sa paaralan.

Gayunman, sinabi ni LTO Assistant Secretary Marcos Lacanilao na hindi maaaring ipatigil ang paghuli sa mga lumalabag sa batas-trapiko dahil bahagi ito ng pagpapanatili ng kaligtasan sa kalsada.

“Road safety po ito. Yung mga ina-apprehend po namin ay yung may mga violations. Kung magko-comply po ang mga kababayan natin at hindi gagawa ng traffic violations, wala po silang magiging problema sa LTO,” ani Lacanilao.

Ayon sa kanya, may umiiral na batas laban sa ilegal na operasyon ng mga sasakyan sa kalsada at maaaring magdulot ng mas malaking panganib kung sakaling magkaroon ng aksidente.

Dagdag pa ni Lacanilao, mahigpit din silang kumikilos laban sa mga abusadong enforcer na nagpapahirap sa mga motorista.

Sa kabila nito, muling iginiit ni Ayon ang kanyang panukala na kahit pansamantala ay huwag munang hulihin ang mga single motorcycle riders, lalo na ang mga magulang na naghahatid ng kanilang mga anak sa paaralan, kahit sa loob lamang ng dalawang linggo.