CAUAYAN CITY – Umabot na sa 17 na tripolanteng Pilipino ang naitalang positibo sa Coronavirus Disease (COVID-19) sa Port of Hedland sa Western Australia.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Denmark Suede, registered nurse sa Sydney, Australia sinabi niya na pinakahuling naidagdag sa bilang ang walo pang Pilipino crew member ng Patricia Oldendorff.
Umalis aniya sa South Korea ang barko lulan ang mga tripolanteng Pinoy noong August 30, 2020.
Dumaan sa Manila noong September 5, 2020 para magpalit ng kapitan at crew bago naglayag patungong Western Australia at noong September 16, 2020 ay dumaong ito sa Port of Hedland sa Western Australia.
Naka-isolate na ang 10 tripolanteng Pinoy na lulan ng Patricia Oldendorff sa isang hotel sa Western Australia habang ang siyam na tripolante ay naka-isolate sa cabin ng barko.
Hindi pa naman nangangailangan ng hospitalization ang mga Pinoy crew member subalit pinayuhan silang sumailalim sa quarantine.






