Nasawi ang isang 19-anyos na estudyante matapos bumangga ang minamaneho nitong motorsiklo sa isang SUV sa kahabaan ng National Road sa Barangay Alibagu, City of Ilagan, Isabela nitong gabi ng Marso 5.
Kinilala ang biktima na si Charles John Kenneth Duque, residente ng Brgy. Guibang, Gamu, Isabela, na nagmamaneho ng isang Honda ADV. Ang tsuper naman ng nakabanggaang Honda HRV ay kinilalang si Ray Zamora, 53-anyos, at residente ng GSIS Village, Cauayan City.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, nangyari ang insidente dakong 10:30 ng gabi. Binabagtas ng motorsiklo ang southbound lane patungong Gamu samantalang ang SUV naman ay nagmula sa Francisca Village at papasok sa National Road.
Habang nasa proseso ng pagliko ang SUV papasok ng pambansang lansangan, dito na nito aksidenteng nakasalpukan ng paparating na motorsiklo.
Dahil sa lakas ng impact, kapwa nagtamo ng pinsala ang dalawang driver. Agad silang isinugod ng mga rumespondeng tauhan ng Rescue DART 831 sa pagamutan.
Dinala si Duque sa Ilagan District General Hospital (IDGH) ngunit idineklarang dead on arrival (DOA) ng attending physician. Samantala, ang driver ng SUV ay dinala sa Cagayan Valley Medical Center (CIMC) upang mabigyan ng karampatang lunas.











