Nilinaw ng Department of Foreign Affairs (DFA) na hindi lang 17 kundi 20 ang mga Pilipino na inaresto sa Qatar dahil sa ginawang political demonstration.
Nilinaw ni DFA Undersecretary Eduardo de Vega nitong Linggo sa panayam na isa na ang napalaya at ang 19 ay hawak pa ng mga awtoridad.
Sinusubukan na rin aniya ng DFA na mapalaya ang 19 na natitira.
Tiniyak din ni De Vega na bibigyan ng legal na suporta ang mga inarestong Pinoy na posibleng makulong ng hanggang tatlong taon kung kakasuhan.
Ang mga naarestong Pinoy ay nagsagawa ng hindi awtorisadong political rally sa Qatar noong Marso 28, kaarawan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Muli namang pinaalalahanan ng Philippine Embassy sa Qatar na igalang ang mga lokal na batas at kaugalian kaugnay ng mga mass demonstration.
Lahat aniya ng uri ng political rally ay bawal sa Qatar.