--Ads--

Aabot sa 192 couples ang lalahok sa darating na “Kasalang Bayan” sa lungsod ng Ilagan bukas, ika-24 ng Pebrero, 2026.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Paul Bacungan, Information Officer ng LGU City of Ilagan, pangungunahan ang programa ni Mayor Josemarie Diaz.

Binanggit niya na ang bilang ng mga kalahok ay maaaring madagdagan pa ngayong araw, kaya’t puspusan na ang paghahanda at paglalagay ng mga dekorasyon sa The Capital Arena, na magsisilbing venue ng seremonya.

Magbibigay din ng libreng make-up para sa mga ikakasal ang City of Ilagan Gay Association o CIGA upang mas maging espesyal ang kanilang okasyon.

--Ads--

Dagdag pa ni Bacungan, maraming regalo ang inihanda ng lokal na pamahalaan, kabilang na rito ang couple’s rings at mga cake na gagamitin sa seremonya.

Kasama rin sa mga preparasyon ang sound system, seating arrangement, at iba pang detalye upang masiguro ang maayos at masayang pagdiriwang ng “Kasalang Bayan.”

Hinikayat naman niya ang publiko na manood sa isasagawang Kasalang Bayan.