Naglatag ng mga alternatibong hakbang ang Department of Agriculture Region 2 upang matulungan ang mga magsasaka sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng abono sa merkado.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Roberto Busania, Regional Technical Director ng DA Region 2, inamin nito na umaabot na sa ₱2,400 hanggang ₱2,800 ang presyo ng urea kada sako, bukod pa sa nararanasang kakulangan sa suplay.
Dahil dito, pinalalakas ng kagawaran ang paggamit ng Compost Fungus Activator o Trichoderma, isang uri ng fungi na tumutulong sa mabilis na pag-decompose ng mga farm waste gaya ng dayami.
Ayon kay Busania, sa halip na sunugin ang mga dayami matapos ang anihan, mas mainam na ito ay i-spray-an ng naturang fungi upang mabulok sa loob lamang ng dalawa hanggang tatlong linggo, kumpara sa karaniwang dalawang buwan kung walang intervention.
Ang mga nabulok na dayami sa isang ektarya ay katumbas na ng dalawang sako ng urea, kaya malaking tipid ito para sa mga magsasaka at nakatutulong pa sa pagpapaganda ng kalidad ng lupa.
Para sa taong 2026, target ng DA Region 2 na makapag-cover ng 13,500 ektarya gamit ang tinatayang 270,000 packs ng naturang activator na libreng ipinamamahagi.
Bukod sa paggamit ng dayami, isinusulong din ng kagawaran ang AgriNPlus, isang uri ng biofertilizer na naglalaman ng mga bacteria tulad ng azospirillum, bacillus, at rhizobium na kayang mag-convert ng nitrogen mula sa hangin upang magamit ng mga pananim.
Ipinaliwanag ni Busania na ang AgriNPlus ay maaaring ipahid sa binhi bago itanim upang agad na makinabang ang pananim sa nitrogen-fixing capability nito, na kayang magpalit sa 25 hanggang 50 porsiyento ng nitrogen requirement ng mga halaman. Dahil sa inisyatibong ito, inaasahang mababawasan ang pagdepende ng mga magsasaka sa mamahaling kemikal na abono.
Hinikayat din ng opisyal ang mga lokal na pamahalaan, kooperatiba, at pribadong sektor na makiisa sa produksyon ng mga naturang biofertilizer upang mas marami pang magsasaka ang makinabang.
Sa ngayon, patuloy ang pamamahagi ng mga nasabing kagamitan sa iba’t ibang lalawigan sa Region 2 habang pinalalakas ang produksyon nito upang maging mas accessible sa publiko.
Umaasa ang DA na sa pamamagitan ng mga alternatibong ito ay mapapababa ang gastusin sa pagsasaka at mapapalakas ang kabuuang produksyon ng pagkain sa rehiyon.











