
CAUAYAN CITY – Patuloy na gumagawa ng paraan ang Bagabag Police Station para matulungan ang isang pamilya na matagpuan ang nawawalang dalawang taong gulang na anak.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PCpt Pedro Bulan Jr, deputy chief of police ng Bagabag Police Station na nag-ulat sa kanila ang mga magulang ng nawawalang si Luke Mark Abad, 2 anyos at residente ng Pogonsino, Bagabag, Nueva Vizcaya.
Ayon kay PCapt Bulan, hinihinalang nahulog sa irrigation canal malapit sa bahay ng pamilya ng biktima.
Posible ring may kumuha sa bata na nakita pang naglalaro bago nawala.
Hindi umano namalayan ng mga magulang ng bata ang kanyang pagkawala dahil abala sila gawaing bahay.
Nakipag-ugnayan ang Bagabag Police Station sa National Irrigation Administration(NIA) at pinababa ang lelvel ng tubig sa irigasyon ngunit hindi natagpuan ang bata.
Nag-post na rin sila sa social media at sa ilang lugar ng mga larawan ng bata.
Dalawang araw nang nawawala ang biktima ngunit hindi nawawalan ng pagasa ang mga kanyang magulang na matatagpuan din ang kanilang anak.




