Dalawang tindera ang naaresto sa magkahiwalay na operasyon ng Echague Police Station matapos maaktuhang nagbebenta ng alak sa gitna ng umiiral na liquor ban kaugnay ng pagdating ng Super Typhoon Uwan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Scarlet Topinio, tagapagsalita ng Isabela Police Provincial Office, sinabi niya na Sa unang insidente, dakong alas-11:00 kahapon ng umaga, Nov. 9, 2025, nadakip ang isang cashier ng isang tindahan, matapos itong magbenta ng isang bote ng alak sa isang security guard.
Sa ikalawang operasyon, bandang alas-12:00 ng tanghali sa Brgy. Silauan Sur, nahuli rin ang isa pang babaeng tindera, matapos magbenta ng dalawang bote ng alak sa isang residente ng barangay.
Ayon sa Section 2 ng Provincial Ordinance No. 2020-13-2, Series of 2020, ipinagbabawal ang pagbebenta, pagbili, pag-inom, at pamamahagi ng mga nakalalasing na inumin sa panahon ng itinakdang liquor ban bilang bahagi ng pre-emptive safety measures tuwing may kalamidad o bagyo.
Ang sinumang lumalabag sa batas ay maaaring pagmultahin ng ₱2,000 hanggang ₱5,000 o makulong ng hanggang anim (6) na buwan, depende sa bigat ng paglabag.
Agad namang dinala sa Echague Police Station ang mga tindera para sa dokumentasyon at pagbabayad ng kaukulang multa, matapos makipag-ugnayan ang pulisya sa LGU-Echague at sa mga opisyal ng barangay para sa pag-iisyu ng ticket.











